Biographical sketch
SENADOR ROBINHOOD "ROBIN" C. PADILLA
“Kailangan hindi ka lang action hero sa pelikula. 'Pag sinabi na action hero ka, kahit sa totoong buhay.”
Ito ang patuloy na nagtutulak kay Senador Robin Padilla - Robinhood Ferdinand Cariño Padilla sa tunay na buhay - para isulong ang kapakanan ng ordinaryong Pilipino.
Nais din ni Padilla na makamtan ang kapayapaan at pagkakaisa ng mga Pilipino, hindi lang para sa mga Muslim na tulad niya, nguni't para sa lahat.
Sa kanyang pagtrabaho bilang artista, nakita at naranasan ni “Binoe” ang mga problemang hinaharap araw-araw ni Juan dela Cruz, kabilang na ang kahirapan at diskriminasyon - kung kaya’t determinado siyang tulungan ang mga Pilipino bilang mambabatas.
Kabilang sa unang mga panukalang batas na kanyang ihinain ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law para sa ating magsasaka; ang civil service eligibility para sa mga casual at contractual na nagtatrabaho sa gobyerno; at sa paggamit ng Filipino bilang opisyal na wika sa mga dokumento.
Isinusulong din ni Padilla ang pagturo ng Kasaysayan ng Pilipinas sa K-12, ang pagtiyak ng karapatan ng mga same-sex couples, at ang proteksyon sa pag-aasawa sa pamamagitan ng divorce bill para sa kasal na nasira dahil sa problemang hindi na malulunasan pa.
Adbokasiya din ni Padilla ang pagkaroon ng mas maginhawang buhay sa pamamagitan ng pederalismo; pagsugpo sa kriminalidad at katiwalian; at pag-alaga sa kalikasan at kapaligiran.